Wala sina Lonzo Ball at Brandon Ingram, nagpamalas ng one-man-show si LeBron James sa United Center para pangunahan ang ahon ng Los Angeles Lakers mula 20-point deficit tungo sa 123-107 paglusot kontra Chicago Bulls.
Out na sa buong season sina Ingram (right arm blood clots) at Ball (sprained left ankle).
Tulad ng mga ginagawa niya noong nasa Cleveland Cavaliers at Miami Heat pa, inilabas ni LeBron ang angas sa Chicago, Illinois Martes ng gabi (Miyerkoles sa Maynila).
Sa parehong arena kinamada ni Michael Jordan ang karamihan sa kanyang 32,292 points. Noong isang linggo ay nilagpasan ni James si Jordan sa fourth place ng NBA all-time career scoring list.
Natanong si James kung may motibasyon siyang magpasiklab sa dating teritoryo ni Jordan.
“Not really, but I definitely recognize the greatness Mike had in this city,” aniya. “Pretty much every time I play here I look up at the rafters, look up at the jersey retired and then when the starting lineup come up, when I was a kid watching that starting lineup watching the Bulls run through the city and Jordan’s name and number getting called, I always have that feeling.”
Restricted ang minuto ni James dahil mukhang wala nang tsansa sa playoffs ang Lakers, pero hindi nagpaawat. Tumabo siya ng 36 points at 10 rebounds sa loob ng 33 minutes.
Sa isang play sa third quarter, naagaw ni Kyle Kuzma ang malamyang pasa ng Bulls, binato sa kabila ang bola. Mag-isang rumaragasa si LeBron, mula sa kanto ng paint sa free throw line ay lumipad para sundan ang nag-bounce na bola, inikot muna sa magkabilang kamay bago pinakawalan ang behind-the-head slam.
Bahagi ‘yun ng first six points ng LA sa second half na nilista lahat ni James. Lamang ang Lakers 66-64 nang subuan ni LeBron si Kuzma sa layup.