Napagsarhan na sa playoffs ang Los Angeles Lakers, pero walang balak si LeBron James na maupo.

Tuloy pa rin ang salang niya, may pangako sa sarili na hindi dadayain ang laro.

Nasa 11th place ng Western Conference­ ang Lakers (32-41), malayo sa likod ng No. 8 San Antonio (43-31).

Sa unang pagkakataon sapul noong 2004-05 season, walang LeBron James sa postseason.

Sa huling walong NBA Finals series, walang palya si James mula Miami Heat o sa Cleveland Cavaliers.

Maiintindihan na rin siguro kung magbabawas ng minuto si James para makapahinga. Pero ayaw bumitaw sa silinyador ang superstar.

Katunayan, nagkamada pa siya ng triple-double na 29 points, 11 rebounds at 11 assists sa 111-106 win ng Lakers kontra Sacramento Kings nitong Linggo.
Wala daw sa bokabularyo niya ang ‘slow down.’

“I would never cheat myself,” pahayag ni James. “I know we’re out of the playoff race, but if I’m on the court, I’m going to play how I play, and I play to win. So I will never cheat the game.”

Obligasyon daw ng player na maglaro kapag walang iniinda. Hindi tatalikuran ‘yun ni LeBron. (VE)