LeBron nasapawan ng mga bangko sa Spurs

Sa isang laro na tinampukan ng All-Stars tulad nina LaMarcus Aldridge, DeMar DeRozan at LeBron James, agaw-eksena ang mga halos hindi kila­lang sina Jakob Poeltl at Davis Bertans.

Binitbit nina Poeltl at Bertans ang bench ng San Antonio Spurs para hiyain ang Los Angeles Lakers 133-120 Sabado ng gabi.

Pinangunahan pa rin ng 36 points at 9 assists ni DeRozan ang come-from-behind win ng Spurs, pero malaking bagay ang ginawa nina Poeltl at Davis.

Kumana ng pinagsamang 23 points ang batang posts ng San Antonio sa fourth quarter, tumapos si Poeltl ng 14 at 13 kay Bertans.

“Why wouldn’t you think they could beat you?” pahayag ni James sa dalawang sumilat sa kanila. “They’re NBA players. They made big shots. Bertans made big shots. He made four 3s in the fourth quarter.”

Tumapos si James ng 35 points, 11 assists at 8 rebounds para sa Lakers, pero naigapos sa 4 points lang at hindi nakakuha ng rebound sa final period.

Na-outscore ng Spurs bench ang counterparts sa LA 52-26 kabilang ang 14 ni Patty Mills.

Umabante pa ng hanggang 15 ang Lakers pero na-outscore 32-13 mula bukana ng fourth at naiwan 121-114. Umayuda ng 27 points si Kyle Kuzma sa Los Angeles, may 13 points at 11 assists si Lonzo Ball.