Sa poll na kinasa ng ESPN, malinaw na kung sino ang maghaharap sa Finals sa oras na magsimula ang suspendidong 2019-20 o 74th NBA season.

Sa prediction para sa Eastern Conference Finals, sigurado na ang mga NBA aficionado na papasok ang Milwaukee Bucks ni Giannis Antetokounmpo na nakakuha ng 100-percent na boto.

Malabo pa ang posible nilang makaharap para sa Eastern supremacy, naglalaban-laban ang Boston Celtics (41.2%), defending champs Toronto Raptors (32.4%) at Philadelphia 76ers (23.5%).

Sa Western Conference Finals naman ay dalawang koponan lang ang nagbabadya na magpang-abot sa dulo — ang dalawang LA-based squad na Lakers at Clippers.

Namumuro ang koponan ni LeBron James na may 97.1 percent na boto, habang ang two-time NBA champion na si Kawhi ay may tsansa sa bagong koponang Clippers na kumuha ng 85.3 percent.

Para sa NBA Finals, ang dalawang do-it-all forward na sina LeBron at Giannis ang may malaking tsansa na magtuos sa dulo para sa Larry O’Brien trophy.

88.2 percent ang tsansa na makakaabot ang Bucks sa Finals, habang 61 percent ang Lakers, pero nagbabadya ang dark horse na Clippers na may 38.2 percent.

Tiwala ang karamihan na masusungkit ni LeBron ang kanyang ikaapat na kampeonato sa liga kung saan 50 percent ang tingin ng mga bumoto na Lakers ang magkakampeon, mas higit sa 26.5 percent ng Bucks at ni Giannis na posibleng makaabot sa tuktok sa kauna-unahang pagkakataon. (Raymark Patriarca)