ITALYA ang second leg ng 15-day European vacation ng mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes kasama ang daughter nilang si Maria Letizia.
Mula sa Santorini, Greece ay lumipad ang DongYan sa Italy para dumalo sa kasal ng friend at stylist ni Marian na si Pam Quinones.
Bago ang kasal sa Masseria Potenti sa Puglia ay namasyal muna sa Lecce, Italy ang Dantes family.
As usual ay merong ‘Ay, may daga!’ pose ang mag-inang Marian at Zia, na kinakatuwaan ng followers ng mag-asawa.
Madalas pa rin na ‘twinning’ ang outfits nina Yan at Zia.
Sa black & white shot ni Dong kay Yanyan na naka-hat ito at naka-looking up pose, ang witty caption nito ay, “Lecce, ang ganda niya.”
May tamis-tamisang kissing pic ang DongYan na kuha sa Matera, na ang caption ni Yan ay, “Love you forever…”
Ang cute nu’ng isang pic sa IG Story ni Yan na nakaupo si Zia sa balikat ni Dong habang namamasyal sila.
Dumalo rin sa kasal ang celebrity photographer na kaibigan ng DongYan na si Mark Nicado.
Panay ang kuha ng pics sa kanila ni Mark, na ang ganda nu’ng isang shot nito sa happy Dantes family sa Matera.
Mukhang enjoy si Zia kahit na maraming tao at hindi ito nahihiya.
Sa wedding ay pareho rin ang material ng suot ng mag-ina at pati ‘yung design ay medyo hawig din, pambata lang ‘yung kay Zia.
Hubog na hubog ang seksing katawan ni Yan sa body-hugging gown niya na gawa ng Portuguese fashion designer na si Joao Rolo.
Gandara at ang sexy ni Yan nang mag-dance sila ni Dong by the pool dahil may sayaw-sayawan portion before the wedding.
Maging si Zia ay nakiki-join sa sayawan.
Sa IG Stories ni Dong ay may video si bagets na mag-isa itong nakatayo sa may open area at duma-dance-dance ito.
May Italian musicians kasi na tumutugtog kaya umiindak din si bagets na may sarili nitong mundo.
‘The front act’ ang caption dito ni Dong dahil center of attraction si Zia at tuwang-tuwa sa kanya ang mga bisita. Pinapalakpakan at pinipiktyuran nila ang napaka-cute na little girl.

Juday, Ryan at Mark
Dalawang showbiz power couples ang nasa wedding dahil present din sa kasal ang mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.
Stylist din at malapit na kaibigan ni Juday si Pam. Base sa caption ni Ryan sa pinost nitong pic na naka-white dress si Juday ay ninang ito sa nasabing kasal.
Sa reception ay magka-table ang DongYan at ang JudRye, na sobrang nag-enjoy sa masayang wedding na ‘yon.
May group pic sila with Mark Nicdao na aliw na aliw kay Zia.
May pinost na pic si Juds na kasama nila ni Rye ang bagong kasal na si Pam Quinones-Allison.
May nakita kaming video na during breakfast ay nilapitan ni Juday si Zia na pinapakain ni Yan. Tuwang-tuwa si Juds sa bagets.
Habang dance galore ang lahat doon sa reception ay karga-karga ni Juday si Zia at sinayaw-sayaw niya si bagets habang may hawak siyang personalized tambourine na giveway sa wedding.
Ang cute-cute ni Zia na yumayakap pa kay Juday. Bidang-bida ang bibang anak ng DongYan sa nasabing event at pinagkukumpulan ito ng mga bisita.
Mukhang may future sa showbiz si Letizia gaya ng mga magulang niya.
Tapos na ang ganap sa Italya kaya by this time ay baka nasa España na ang Dantes family para sa unang pagtatagpo ni Zia at ng kanyang Kastilang maternal grandpa.