Isang matinding dogfight ng backcourt players ng Alaska at Magnolia ang inaasahan sa finals ng PBA Governors’ Cup.
Babanderahan ni Paul Lee ang playmakers ng Pambansang Manok Hotshots kasama sina Mark Barroca, Jio Jalalon, Justin Melton at PJ Simon.
Itatapat ng Aces sina Chris Banchero, JVee Casio, Ping Exciminiano at Simon Enciso.
Parehong may iniinda sina Lee (knee) at Banchero (ankle), pabor sa kanila ang 17-day break para mag-recharge bago sumiklab ang best-of-seven series sa Dis. 5 sa MOA Arena.
Nakarating sa championship round ang magkatunggali sa bisa ng nakakasakal na depensa at suwabeng opensa ng kani-kanilang backcourts.
“Parehas ng style ng laro ang maglalaban,” puna ni Lee. “Parehong depensa. For sure, magandang series.”
Paghahandaan ng guards ng Hotshots ang napipintong showdown para hindi mangamote sa kalaban.
“Sabi ng marami, sa amin nag-start ang energy ng laro namin. Ganoon din sila,” ani Jalalon.
Si Barroca: “Guards nila ang buhay ng Alaska dahil sa sistema na nilalaro nila. Similar din naman ang system namin.”
Todo pati pato’t panggulo ang Aces para manalo.
“That’s what we play for, to win the championship,” giit ni Enciso.
Sa likod ng kani-kanilang backcourts pa rin, top defensive teams sa torneo ang Alaska at Magnolia.
Sa steals ay No. 1 ang Hotshots sa 10.5 per game, nag-a-average naman ang Aces ng 7.0 at 3.56 blocks per night.
Hindi nagkakalayo ang norms ng dalawa sa iba pang departamento ng laro.
Nag-a-average ang Magnolia ng 102.06 points, 49.75 rebounds at 24.8 assists. May numerong 102.25 markers, 50.75 boards at 24.56 feeds ang Alaska.