Pinakamasayang birthday boy si Paul Lee kahapon, Feb. 14, dahil magdiriwang siya ng kaarawan na may baby na, si Tokyo na pinanganak noong October lang.
“Oo, ‘yun ang pinakamaganda dun, ‘yung magbi-birthday ako na may baby,” ani Lee sa bisperas ng kanyang 30th birthday. “Wala nang mas okay pa doon. ‘Yun na ang pinakamasarap na feeling na birthday ko na mangyayari.”
Ayaw nang isipin ni Lee na naregaluhan siya ng talo sa bisperas ng kaarawan – 75-74 laban sa Rain or Shine sa MOA Arena Miyerkoles ng gabi.
Si Lee pa ang nagbigay ng huling lead sa Magnolia Pambansang Manok 74-72 nang ipagpag sina Beau Belga at Gabe Norwood.
Pero agaw-eksena ang magdiriwang din ng 37th birthday ngayong araw na si James Yap, nalusutan ang double-team nina Rafi Reavis at Rome dela Rosa bago kinumpleto ang and-1 play.
Magnolia na lang ang hindi pa tumitikim ng panalo sa PBA Philippine Cup elims, semplang lahat sa unang tatlong salang.
Positibo pa rin si Lee na makakabalik ang Hotshots, may higit dalawang linggo sila para maibalik ang ritmo na nagdala sa kanila sa kampeonato ng Governors Cup noong Disyembre.
Break ang PBA dahil sa kampanya ng Pilipinas sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers, balik ang Hotshots sa March 2 na kontra Meralco.
“Kailangan kung ano ‘yung nasa harap namin, doon kami mag-focus. Kasi baka lalo lang mapasama ‘pag inisip namin ‘yung 0-3,” dagdag ni Lee.
Para na raw silang do-or-die sa mga susunod na laro, kailangan nang magising.
“Laging nire-remind ni coach Chito (Victolero) na ‘yung sense of urgency, kailangan andiyan na talaga,” panapos ng playmaker. “Kasi ‘yun nga, mahirap malubog talaga. Kailangan next game, pipilitin namin na makuha ‘yung panalo,”