Isang rider ang nasugatan nang sumabit sa leeg nito ang nakalaylay na kable ng telecommunication company na PLDT na pag-aari ni Manny Pangi­linan, sa La Trinidad, Benguet.

Hindi ngayon makapasok sa trabaho at nagpapagaling pa mula sa mga tinamong pinsala sa leeg at bali ng katawan ang biktimang si Michael James ­Verances.
Ayon sa ulat, gabi ng Pebrero 5, 2020 nang mangyari ang insidente.

Habang binabagtas ni Verances ang kalsada ay hindi nito napansin ang nakalaylay na kable dahilan upang aksidenteng sumabit ang leeg nito at sumemplang bago bumangga sa kasunod na sasakyan.

Sa pagsisiyasat, nadiskubre na may tatak ng PLDT telco ang nakasayad na kable.

Nagpadala na ng liham ang pamilya ng biktima sa kompanya para humingi ng danyos sa naging kapabayaan nito.

Sa panayam ng ABS-CBN, sinabi ni Gerardo Marquez Jr., zone head ng PLDT Baguio-­Benguet, na handa naman nilang panagutan ang nangyari kay Verances. Kasabay nito’y humingi na ito ng mga dokumento sa biktima tulad ng medi­cal certificate at bill sa ospital.

“We have to really accept the liability and our legal did everything also to check if expenses are legitimate and all the documents will be followed to support whatever compensation be made by PLDT,” sabi ni Marquez.