Legends nakapagbigay na kay Asaytono – Caidic

Nagbuklod ang mga dating teammate at karibal sa court para umayuda kay Nelson Asaytono na inatake nito lang Holy Week.

Ikinatuwa rin ng PBA Legends ang natanggap na balitang nakalabas na ang The Bull matapos ang ilang araw na pananatili sa ICU sa isang ospital sa Gen. Trias, Cavite.

Bukod sa tulong ng PBA, nag-ambagan din ang Legends para sa 53-anyos na si Asaytono, itinuturing na isa sa pinaka-dominanteng big man sa pros noong kapanahunan.

“Nakapagbigay na kami,” ani Allan Caidic, isa pa sa mga alamat ng liga.

Teammates dati ang Triggerman at si Asaytono sa San Miguel Beer.

Huli silang nagkalaro noong isang taon sa PBA Legends: Return of the Rivals sa Smart Araneta Coliseum.

Wala aniyang nabalitaan ang mga dating kapanabayan na may sakit si Asaytono.

“Biglang sumakit na lang daw ang dibdib at hindi makahinga, kaya nagpadala na sa ospital,” dagdag ni Caidic.

Si Vice Mayor Maurito Sison ang tumulong kay Asaytono para madala sa ospital noong Martes hanggang ma-discharge nitong Sabado.

Second pick overall ng Purefoods si Asaytono mula University of Manila noong 1989 Draft, sa likod ni Benjie Paras ng Shell. Naka-pitong championship siya sa Purefoods, Swift at SMB hanggang mag-retire noong 2006.

Umaasa ang Legends na agad ding makaka-recover ang The Bull.

“We wish him a fast recovery and good health, siyempre,” panapos na wika ni Caidic. (VE)