Kumbinsido ang ilang kongresista sa ilalim ng PDP-Laban na maisusulong ni Taguig Cong. Alan Peter Cayetano ang legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil iisa ang kanilang direksyon.
Ito ang magkakaisang pahayag ng mga miyembro ng PDP-Laban na sina San Juan Cong. Ronaldo Zamora, Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales, Cavite Rep. Abraham Tolentino at Laguna Cong. Dan Fernandez.
Ang pahayag ay ginawa ng mga solon kasunod ng umiinit na karera sa pagka-Speaker kung saan ay naglalaban-laban sina Cayetano, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Paglilinaw ni Zamora kaya suportado niya si Cayetano ay dahil pinakakuwalipikado itong tumayo bilang lider ng Kamara kumpara sa ibang aspirante.
Susog naman ni Gonzales may magandang track record sa serbisyo-publiko si Cayetano na kailangan sa isang lider.
Para naman kay Tolentino, mahirap pamunuan ang halos 300 miyembro ng Kamara kaya kailangan ng lider na may sapat na karanasan at kakayahan habang para naman kay Fernandez ay saludo siya sa sa prinsipyo at integridad ni Cayetano kaya mas pabor siyang maging speaker ito kumpara sa isinusulong ng kanilang partido na si Velasco.
Nauna rito ay sinabi ni Senador Manny Pacquiao na suportado ng PDP-Laban ang kandidatura ni Velasco bagay na inalmahan ng ilang miyembro ng ruling party.