Leni camp wala pang sagot sa utos ng PET

Leni Robredo

Ngayong araw na ito pa lamang inaasahang magkokomento ang kampo ni Vice President Leni Robredo hinggil sa kautusan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na magbayad ito kasama si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., hinggil sa election protest na inihain ng huli laban sa Bise Presidente.

Ayon kay Atty. Bary Gutierrez, legal counsel ni Robredo, ngayong umaga pa lamang babalik ang bise presidente mula sa bakasyon sa South Korea.

Nabatid na umalis sa bansa si Robredo kasama ang kanyang mga anak noong Miyerkules Santo para magbakasyon at inaasahang babalik na ang mga ito ngayong araw.

“VP Leni and her children went to South Korea for a brief Holy Week break. She is expected to be back to work tomorrow (Monday),” ani Gutierrez kaya wala pang opisyal na pahayag ang Bise Presidente ukol sa nasabing isyu.

Bago ang Semana Santa ay naglabas ng reso­lusyon ang Korte Suprema na siyang tumatayong PET na nag-aatas kina Robredo at Marcos na maghanda ng P81.46 million sa election protest na inihain ng dating senador.

Sa nasabing halaga, P66,023,000 ang ipi­nababayad ng PET kay Marcos at P15,439,000 naman kay Robredo.