Leni kabado sa bayad sa abogado

Mas kinakabahan si Vice President Leni Robredo sa kanyang ipambabayad sa abogado na magtatanggol sa kanya sa kaso sa Presidential Electoral Tribunal (PET) kesa sa election protest na isinampa laban sa kanya ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sa press briefing kahapon sa Office of the Vice President (OVP) sa Executive House sa Quezon City, inamin ni Robredo na hindi siya nababahala sa kaso kundi sa kanyang gagastusin sa abogado.

“Syempre iwo-worry ko pa ang pambayad. Baka ang arrangement hindi tulad nu’ng.. nu’ng canvassing kasi talagang para sa bayad, TY (thank you) ‘yun. Syempre ngayon ibang usapan na… so to my worry­ nandun. Magkano ba ang aabutin ang legal fees, saan ko ba ‘yun kukunin? ‘Di naman ‘yun puwedeng i-charge sa opisina. Wala naman akong personal na pambayad,” ani Robredo.

Mas mabigat, aniya, na usapin ang bagay na ito kumpara sa kaso dahil wala umanong basehan ang election protest na isinampa ni Marcos sa kanya.