Ikinatuwa ni Vice President Leni Robredo ang pagtawag sa kanya na “beautiful” ni Pangulong Rodrigo Duterte nang bumisita ito sa mga sinalanta ng bagyong Usman sa Bicol noong Biyernes.
Pero sinabi ni Robredo na sana aniya ay hindi ito isang pagbibiro na naman ng Pangulo.
“Tell her that she’s really beautiful,” anang Pangulong Duterte nang humarap sa situation briefing sa kanya ukol sa pinsalang dulot ng bagyo sa Camarines Sur.
“The reason why I gave you the priority sa projects (sa Camarines Sur) is because you have a very beautiful Vice President here. (Si) Leni, oo,” ayon pa sa Pangulo.
Nang matanong tungkol dito sa kanyang programa sa radyo, hindi naitago ni Robredo ang pagkagalak nang malaman ang magandang komento sa kanya ni Pangulong Duterte.
“Sana hindi iyon biro, iyong pagsabi niya na maganda ako,” reaksyon ni Robredo.
Hindi rin minasama ni Robredo ang naunang pagbibiro ng Pangulo na ipangalan sa kanya ang bagyo dahil ang mahalaga aniya sa kanila sa Bicol ay kung paano umaaksiyon ang pamahalaan.