Leni lusot sa Bikoy narco video

Ni Nancy Carvajal

Absuwelto sa kasong sedition si Vice President Leni Robredo at ilang kasama sa oposisyon kaugnay ng umano’y planong destabilisasyon sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inilabas na ‘Ang Totoong Narcolist’ video na ibinunyag ng whistleblower na si Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa Department of Justice (DOJ), kasama sa pinawalang sala sa kasong sedition si Senador Risa Hontiveros.

Hindi naman sinabi ng source kung absuwelto rin si Senador Leila de Lima na kasama sa kasong isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region Field Unit (PNP-CIDG-NCRFU) noong Hul­yo 18, 2019.

Samantalang si dating Senador Antonio Trillanes IV at ilan pang sinasangkot sa likod ng pagpapakalat sa Bikoy video ay tuluyang mahaharap sa kaso.

Bukod sa sedition, kinasuhan din si Trillanes ng cyber libel, libel, estafa, pagkakanlong ng kriminal at obstruction of justice.

Si Advincula na siyang nagsasalita sa naturang video ay kakasuhan din umano ng sedition, ayon sa source, para maging state witness ito sa kaso.

Ipinahayag kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na may desisyon na ang panel of prosecutors gayunman hindi nito idinetalye ang nilalaman ng resolusyon.

Nangako si Guevarra na magbibigay ito ng pahayag ngayon sa pamamagitan ni Undersecretary Markk Perete.

Hiniling ng mga mamahayag kay Guevarra na ilabas ang buong re­solusyon sa isang press conference subalit hindi sumagot ang kalihim.

Magugunitang naging kontro­bersyal ang narcolist video ni Bikoy kung saan inakusahan nito ang ilang personalidad kasama ang pamilya ni Pangulong Duterte na sangkot diumano sa illegal drug trade.