Leni maghaharap ng testigo sa ‘palit-ulo’

Vice Pres. Leni Robredo

Para patunayan ang kanilang report sa ­United Nation (UN) ukol sa palit-ulo scheme na ginawa umano ng mga ­pulis sa gitna ng giyera kontra droga, ihaharap ­umano ni Vice President ­Leni ­Robredo ang kanyang mga witness kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno.

Sa ambush ­interview kay Robredo sa St. Paul University sa Quezon City kahapon, sinabi ­nito na nakausap na nito si Sueno ukol dito noong magkita sila sa graduation ng Philippine National Police Academy (PNPA) noong nakaraang linggo sa Silang, Cavite.

“Actually, nagre-­request ako kay Sec. ­Sueno after the ­PNPA grad, pero sabi niya ­pauwi siya sa Davao. Ang ­request niya sa ‘kin after the Holy Week. Ang ­sabi ko sa kaniya, Sec. ‘yun mga sinabi ko po lahat totoo, lahat po ‘yun may ­witnesses,” ani Robredo.

Magugunita na ikina­irita ng mga kaalyado ni Robredo ang kanyang video message sa UN ukol sa palit-ulo scheme ng mga pulis kung saan, kapag hindi makita ng mga ito ang kanilang target na tao na sangkot ­umano sa ilegal na ­droga ay ang kanilang mga kaanak ang kinukuha.

Pakakawalan lang ang mga kaanak ng mga pinaghihinalaang drug addict o pushers kapag nagpakita na ang kanilang hinahanap kaya nagpahayag ito ng ­pagkaalarma at ini-report sa UN.

Sa katunayan, ginagamit ng mga nagsusulong ng impeachment case ang nasabing ­video message dahil ­itinuturing umanong “betrayal of public trust” ang ginawa nito.

“Pero iyong ­witnesses po natatakot. Puwede ba Sec. na sa‘yo ko ­i-discuss, pero magre-request ­kami ng protection para sa mga witnesses.

Open naman siya. kaya masaya naman ako na bukas siya. Hihintayin ko na lang iyong kanyang availability,” ani Robredo.