Dalawang linggo matapos italagang co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), tuluyan nang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo.
Tugon umano ito sa naging panawagan ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na sibakin na lang si Robredo sa puwesto gayundin sa paghahamon ng huli na mas mabuting diretsahin na lang siya kung ayaw na nitong manungkulan siya sa gobyerno.
“The President‘s designation of VP Robredo was not like any offer to perform a certain task. It was an offer to make the campaign against illegal drugs better- a chance where both this Administration and the political opposition could have unified in fighting the social ill that has destroyed the lives of many and imperiled thousand others, in addition to creating a multitude of dysfunctional families and threatening the present and the next generation to useless existence,” sabi pa sa ipinalabas na statement ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Anila, sa halip na makatulong ay lalong naging komplikado ang sitwasyon dahil na rin sa lantarang pagbabatikos ni Robredo sa sistema nang pakikipaglaba ng gobyerno sa iligal na droga.
“Unfortunatetly, she wasted such opportunity and used the same as a platform to attack the methods undertaken by this Administration. Such tact was even motivated by hubris to prove their past arguments against the anti-illegal drug operation were correct. It at once crumbled as her request for police date validated the falsity of their arguments that the extra-judicial killings are state sponsored,” ayon pa rin sa pahayag.
Aniya, kung talagang seryoso si Robredo sa kanyang tungkulin ay mas dapat unahin nito ang ugat ng problema at kausapin ang biktima at pamilya ng mga ito kaysa ang mga opisyal ng UN.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na handa niyang sibakin si Robredo kapag idinaldal nito ang mga confidential information ng gobyerno.
Sa dalawang linggong pagkaka-upo ni Robredo sa ICAD, nakipagkita ito sa mga opisyal ng United Nations (UN) at US, ilang national at local government body gayundin sa mga kinatawan ng private sector at religious group na kanyang kinonsulta tungkol sa kampanya laban sa iligal na droga.
Ito ay bunsod na rin ng kawalan ng malinaw na mandato sa kanyang tungkulin bilang co-chairman ng ICAD. Unang sinabi ng Malacañang na isang cabinet post ang ibinigay kay Robredo kayat may full control ito sa anti-drug campaign ng gobyerno. Subalit kalaunan, nagbago ng pahayag ang Palasyo nang maging mapilit ito na makakuha ng kopya ng mga high value target.
Ang pagkakasibak umano sa bise presididente ay bunsod na rin nang pagtutol ng ilang kasamahan nito sa ICAD na mapasakamay nito ang sinasabing listahan ng mga HVT. Sinabi rin ng Pangulo na wala itong tiwala hindi dahil miyembro ito ng Oposisyon kundi hindi niya umano niya lubusang kilala ang pagkatao nito.
Agad naman naglabas ng pahayag Linggo ng gabi si Sen. Pangilinan at sinabing nagpapatunay lamang ang ginawang pagsibak kay VP Lenin a “bluff and bluster” lamang ang appointment nito bilang ICAD co-chair.
“Marami ang natuwa at humanga sa pagtanggap ni VP Leni ng nasabing alok. Sumabog sa mukha nila ang kanilang tangkang pahiyain si VP Leni…. Pinatunayan din nitong pagtanggal kay VP Leni na wala silang isang salita. Sa katunayan, ‘yung palpak na war on drugs ginawa nilang war on VP,” ani Pangilinan. (Aileen Taliping/Prince Golez)