Sobrang angas ng inilaro ni Kawhi Leonard sa opener ng Eastern Conference semifinals, pati ang players at coach ng Philadelphia 76ers saludo sa kanya.
Tumabo si Leonard ng postseason career-high 45 points at 11 rebounds para giyahan ang Toronto Raptors sa 108-95 win kontra Sixers Linggo sa ‘Pinas.
Milya-milya umano ang layo ni Leonard sa mga player na hinawakan dati ni Philadelphia coach Brett Brown sa San Antonio. Assistant noon sa Spurs si Brown nang naglalaro pa sa San Antonio si Leonard.
“The variety of ways that he scored and could get his shot off on some pretty good defensive players and big athletes was incredibly impressive,” ani Brown.
Si Sixers guard JJ Redick, aminadong sakit ng ulo nila si Leonard, dagdag pa si Pascal Siakam.
“He’s as good as there is in the NBA at generating his own shot, and then making tough shots,” ani Redick. “Clearly we need to figure out what we’re doing with him and Siakam.”
Tumira ng parehong 7 of 9 at may tig-17 sina Leonard at Siakam nang dumistansiya ng 14 sa first quarter ang Raptors. Sa isang yugto sa period, halos walong minutong walang isinablay sa 13 tira ang Toronto tungo sa 39-31 lead papasok ng second.
Tumapos si Siakam ng 29 points.
Umiskor ng 16 si Joel Embiid, may 14 si Ben Simmons sa Sixers. Nagkasya sa 10 si Jimmy Butler na 4 of 12 sa field.
Kabyos ang siyam sa 13 tira ni Embiid sa first half, tinapos ang laro na 5 for 18.
Game 2 sa Martes (araw sa Manila) sa Toronto pa din. (VE)