Leonen: Bday party ni Sinas insensitive!

Nagkomento rin si Supreme Court (SC) Associate Justice Marvic Leonen sa kontrobersiyal na ngayong birthday party ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas habang may coronavirus pandemic.

“Parties are mass gatherings. It is insensitive to hold one,” tweet ni Leonen nitong Miyerkoles.

Kinumpara ni Leonen ang birthday party ni Sinas sa pagreretiro ng kasamahang si Associate Justice Andres Reyes Jr. na ginanap sa pamamagiran ng online ceremony.

Nagretiro na si Reyes sa SC noong Mayo 11 at dahil sa coronavirus pandemic, isinagawa online ang seremonya para sa kanyang paglisan sa katas-taasang hukuman. Ito ang pinakaunang online retirement ceremony sa SC.

“The Supreme Court held a retirement ceremony of a justice with 40 years of service via a private videoconferenced ceremony. He deserves more but we had to do what was ethical while our people suffer #NoBirthdayParties,” ani Leonen.

Giit ni Leonen, maituturing bilang mass gathering ang birthday party taliwas sa pahayag ni Philippine National Police (PNP) Director General Archie Gamboa na hindi party ang nangyari kina Sinas kundi isang “mañanita” o biglaang harana para sa may kaarawan. (Riley Cea)