ncaa-92-letran-lpu
Naghanap ng paraan si Mike Nzeusseu ng ­Lyceum para makawala sa pagkakaipit kina Felix Apreku (4) at Rey Nambatac (5) ng Letran. Tumabo ng 17 points, 15 rebounds si Nzeusseau para ihatid ng Pirates sa 75-72 win. (Patrick Adalin)

Naka-bingwit ng ma­laking isda ang Lyceum of the Philippines Pirates matapos siluhin ang 75-72 panalo laban sa defending champion Letran Knights kahapon sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan.

Nagtulong sa opensa sina Mike Nzeusseu at Reymar Caduyac para itulak ang Pirates sa 4-5 win-loss record.

Kumalawit ng 17 points at 15 rebounds si Nzeusseu, may 17 din si Caduyac at tinuldukan ng Pirates ang two-game skid.

“We still have a long way to go as much as we want to celebrate this win,” saad ni Lyceum coach Topex Robinson.

Bumira si Rey Nambatac ng 22 points para sa Knights (5-3), kasalo ang Mapua Cardinals sa fourth.

Sa pangalawang laro, nilapa ng San Beda College Red Lions ang San Sebastian College Stags, 87-77 para manatili sa tuktok ng team standings sa malinis na walong panalo.

Sa kabila ng panalo ay galit pa rin si Red Lions coach Jamike Jarin sa inilaro ng kayang mga players.

“I’m happy with the win but we can’t turn the ball over that too many, we have to find ways to lessen it,” giit ni Jarin. “I’m mad that we had 32 turnovers, we’re playing selfish right now.”

Nanguna sa opensa ng SBC si Donald Tankoua na may 20 points, bumanat ng 13 si Davon Potts.

Sa pangwalong sunod na talo, napako sa isang panalo ang Baste.

Sa huling laro, pinatahimik ng Arellano University Chiefs ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 89-69.

Nanagasa si Jio “The Bus Driver” Jalalon ng 23 puntos, nag-ambag si Kent “The Conductor” Salado na 13 markers para isalo ang Chiefs sa second spot kasama ang Peretual Help Altas sa 7-2 card.