LETRAN SAN BEDA NATISOD

Team Standings W L
San Beda 10 2
Arellano U 9 2
Perpetual Help 8 3
Mapua 7 4
Jose Rizal 6 5
LPU 5 6
Letran  5 6
EAC 3 8
San Sebastian 3 9
St. Benilde 0 11

Mga laro bukas:
(The Arena, San Juan)
10:00 a.m. — Perpe­tual Help vs. Mapua (jrs)
11:45 a.m. — Letran vs St. Benilde (jrs)
2:00 p.m. — Perpetual Help vs St. Benilde (srs)
4:00 p.m. — EAC vs Arellano U (srs)

Kumayod si Teytey Teodoro sa opensa para pasanin sa overtime game ang Jose Rizal Univer­sity Heavy Bombers laban sa defending cham­pion ­Letran Knights, 75-68, kahapon sa 92nd NCAA senior men’s basketball tournament sa The ­Arena, San Juan City.

Kumana si play­maker Teodoro ng 23 points at apat na rebounds para ilista ang 6-5 record ng Jose Rizal habang nadapa sa 5-6 ang Letran.

Umiskor si Teodoro ng walong puntos sa extra period para ilista ang kauna-unahang three-game winning streak ng JRU nga­yong season at ipalasap ang apat na sunod na ka­biguan ng ­Letran.

Sumalpak ng two-point jumper si Teodoro para pangunahan ang 8-0 run ng Heavy Bombers sa regulation.

Bumanat pa ng kru­syal jumper si Teodoro, isang tres ang kinana para ­ilagay ang JRU sa una­han, 71-66.

Nag-ambag naman si Paolo Pontejos ng 16 puntos habang naglagak si ­Ervin Grospe ng 10 markers para sa Kalentong-based squad.

Tumikada si Rey Nambatac ng 19 pts. para pangunahan ang opensa ng Letran.

Sa unang laro, bumuslo naman si Allyn Bulanadi ng game-winning basket para itaguyod sa panalo ang San Sebastian College Stags laban sa San Beda College Red Lions, 72-71.

Nirehistro ni third year player Bulandi ang 16 points kasama ang panel­yong dalawang puntos sa huling 3.8 segundo ng laban.

“He (Bulanadi) was our hero in this game, he saved us,” wika ni San ­Sebastian head coach Egay Macaraya.

Tangan ng Red Lions ang 71-70 bentahe, titira ng dalawang free throws si San Beda point guard Roldan Sara pero min­tis pareho kaya nahablot ni Bulanadi ang bola at saka umarangkada na sa kanilang court upang isalpak ang long jumper.

“Big victory,” sabi ni Macaraya. “The boys didn’t give up, they showed character and real­ly wanted to win.”

Gumanda ng bahag­ya ang karta ng Stags na may 3-9 habang nalasap ng Red Lions ang panga­lawang talo sa 12 salang.

Nanaig naman ang Mapua Cardinals sa ­Lyceum of the Philippines Pirates, 90 75, sa pangalawang laro.

Bumanat si Allwell Oraeme ng 27 points, 25 rebounds at apat na blocks para itarak ang 7-4 karta ng Mapua habang semplang sa 5-6 card ang ­Pirates.