Matapos na kusang loob na sumuko sa mga awtoridad, ikinanta kahapon ni Albuena, Leyte Mayor Rolando Espinosa na sangkot sa iligal na droga ang kanyang anak.

Kahapon ay pormal na iprinisinta ni Phi­lippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa media si Mayor Espinosa na u­nang binigyan ng 24-oras na ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakala­wa.

Si Mayor Espinosa ay napag-alamang sumuko kay Dela Rosa bandang alas-4:15 ng madaling-araw. Hindi nito kasama ang kanyang anak na si Kerwin Espinosa.

Sa ginanap na press briefing kahapon ng hapon sa Camp Crame, habang kaharap ng media si Mayor Espinosa, matigas na binalaan ni Dela Rosa ang anak ng alkalde na sumuko na lamang nang payapa dahil kung hindi ay posibleng mapatay pa ito sakaling lumaban habang dinarakip.

“‘Yung Kerwin, kung nandito sa Pilipinas, you better surrender or die,” mariing pahayag ni Dela Rosa.

“You should follow your father dahil kung hindi ka magsurender mamamatay ka talaga. You better surrender dahil your life really is in danger,” dagdag pa ng chief PNP.

Nangako naman si Mayor Espinosa na makikipagtulungan sa PNP para sa ikadarakip ng kanyang anak.

Nangako rin ito na makikipagtulungan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para magbigay ng impormasyon ukol sa kinasasangkutang droga ng kanyang anak.

Dahil wala namang kasong kinakaharap si Mayor Espinosa, pina­yagan ito ng pulisya na makabalik sa Leyte.

“Wala naman kaso pa si Mayor kaya hindi siya aarestuhin pero gusto niya na nasa custody ko siya dahil natatakot siya para sa kanyang buhay. Inamin kasi niya talaga na supplie­r ang anak niya ng illegal drugs ga­ling kay Peter Co,” pahayag ni Dela Rosa.

“Sabi niya, hindi niya ma-control ang kanyang anak,” dagdag pa ni Dela Rosa.