LGBT na titser kinarne

Patay na nang matagpuan sa loob ng kanyang bahay ang isang 28-anyos na public school teacher na miyembro ng LGBT Community matapos itong pagtatagain ng hindi pa kilalang salarin Linggo ng hapon sa Virac, Catanduanes.

Alas-4:15 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Donn Carlos Bagadiong, guro sa Catanduanes National High School, sa ikalawang palapag ng kanyang bahay sa Brgy. Valencia.

Sa ulat ni Police Maj. Danilo Tenerife, tagapagsalita ng Catanduanes Police Provincial Office (PPO), nakabulagta sa sahig ng kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay ang biktima na tadtad ng mga taga sa mukha at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isang butchers knife din na may bahid pa ng dugo ang natagpuan ‘di kalayuan sa bangkay ng biktima na pinaniniwalaang ginamit ng hindi pa kilalang suspek sa pagpaslang sa guro.

Agad namang ipinag-utos ni Police Col. Raul Florendo, Provincial Director ng Catanduanes PPO, ang masusing imbestigasyon para sa agarang pagdakip sa suspek na pinaniniwalaan ng pulisya na kilala ng biktima.

Isa sa tinitingnang anggulo ng pulisya sa krimen ay pagnanakaw subalit patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.

Nag-alok naman ng P100,000 pabuya ang ­Catanduanes Provincial Government sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon laban sa suspek. ­(Edwin Balasa)