LGUs wala nang extension sa SAP distribution

Inihayag ng Department of Interior and Local Government na wala nang extension pa sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) kung saan umaabot na umano sa 70 porsyento ang naayudahan sa bansa, batay sa report ng DILG central at regional offices.

“Hinihikayat po ng DILG ang ating local government units na seryosohin na po ito, tuloy-tuloy na ipamigay kasi po wala nang ibibigay na extension si Sec. Eduardo Año at si Sec. Rolly Bautista. No more extension, you are given only up to the 7 days, up to May 7 to finish the distribution,” DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya.

Babala naman ni Malaya na maaaring masuspinde ang lokal at barangay official na naghahati ng ayuda para ma-accommodate ang mas maraming pamilya. Aniya, bawal ito at pwede silang isumbong ng mga residente sa DILG upang maaksyunan.

Hinikayat din ng opisyal ang LGUs na gawing prayoridad sa food packs ang left out families o iyong mga nagsasabing qualified sila sa SAP pero hindi pa nakatanggap ng ayuda.

Una dito ay pinagbigyan ng DILG ang hiling ng mga punong lungsod sa Metro Manila at mga matataong lugar, na mapagkalooban pa sila ng pitong araw na palugit para maipamahagi ang tulong pinansyal ng SAP sa mga mamamayan sa kanilang nasasakupan.

Naglaan pa si DILG Secretary Eduardo Año, ng isang linggo upang matapos ng mga local government units (LGUs) sa Metro Manila at sa iba pang mga lugar na may mataas na bilang ng populasyon ang pamamahagi ng SAP.

Matatandaang una nang binigyan ng deadline ng DILG ng hanggang Abril 30 ang mga LGU para matapos ang distribusyon ng SAP.

Pinaalalahanan din ng DILG Chief ang mga LGU na agarang ma-liquidate ang naibigay na SAP aid bilang paghahanda para sa pangalawang tranche ng tulong pinansyal. (Dolly Cabreza)