Inaalam ng awtoridad kung may mga kasabwat pa ang naarestong Liberian national na nagbenta ng isang maleta na ‘di umano’y puno ng US dollars sa Makati City.

Base sa ulat ng pulisya, naaresto si Jerry Jefferson sa pamamagitan ng entrapment operation sa Shangri-La Hotel sa Makati bandang alas-11:30 ng umaga kamakalawa.

Inireklamo ito ng isang nakilalang Rickie Ng ng extortion at estafa.

Base sa salaysay ni Ng, napaniwala siya ni Jefferson na may hawak itong maleta na may laman mil­yong halaga ng US dollars.

Aniya, nagkasundo sila na bibilhin niya ang maleta sa halagang P800,000.

Nanghingi ang suspek ng P300,000 ngunit nadiskubre ni Ng na hindi totoo na may maleta na puno ng mga dolyares si Jefferson kaya’t nagsumbong na ito sa Makati City Police.