Libong preso makikinabang sa TB screening sa Malolos

Libong preso mula sa Bulacan Provincial Jail sakop ng Capitol Compound sa Malolos City ang makikinabang sa Tuberculosis (TB) Mass Screening na pinangunahan ng Provincial Health Office.

Mahigit 3,000 preso, jail guards at prison staff ang sasailalim sa screening na tatakbo ng walong linggo simula sa Setyembre 12, 2016.

Kaugnay ito ng obserbasyon ng buwan ng Pag-iingat sa Baga ng Department of Health (DOH)-Regional Office 3, USAID-IMPACT project, Philippine Business for Social Progress at ng International Committee ng Red Cross.

Paliwanag ni Vice Gov. Daniel R. Fernando na pinahahalagahan nila ang kalusugan ng mga nakapiit tulad ng pagpapahalaga nila sa kalusugan ng mga tao sa labas ng kulungan.

Inilahad naman ni Dr. Allan Fabella, Service Delivery Specialist ng USAID-IMPACT, ang proseso na pagdadaanan ng mga detinido sa screening gaya ng interview kung may nararanasang sintomas ng TB, X-ray, makabagong paraan ng pag-eksamin sa plema na Gene Xpert, kapag nagpositibo rito, dadaan muli sa panayam at oryentasyon hinggil sa gamutan at panghuli ang gamutan mismo.