Libreng charging stations sa e-trikes sa Maynila

Bilang pagsuporta sa kampanya kontra polusyon, magtatayo ang Manila City government ng mga l­ibreng charging stations para sa mga electric tricycles (e-trikes) na ilulunsad sa lungsod sa Setyembre.

Nabatid na nakipag-ugnayan na si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa Manila Electric Company (Meralco) para sa pagtatayo ng mga charging stations na libreng magagamit ng mga e-trike drivers sa lungsod.

Ang e-trike project ng lungsod ay nakatakdang ilunsad sa Setyembre 15, kung saan 384 e-trikes ang ipapamahagi sa mga tricycle drivers na magiging pag-aari nila sa loob ng limang taon sa pamamagitan ng “boundary-hulog”.

Nalaman na ang naturang e-trikes ay binili ng pamahalaang lungsod sa halagang P145 milyon o P380,000 bawat isa at tulad ng regular na traysikel, bibigyan din ito ng prangkisa ng Tricycle Regulatory Office.

Papasada sa tourist belt area ang mga E-trikes na ito, tulad ng Malate, Luneta, Ermita, Chinatown, Binondo, Intramuros at Quiapo.