Naniniwala si Senador Bam Aquino na may kakayahan pa rin ang gobyerno na pondohan ang free college program maging ang ibang serbisyo kahit walang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon kay Aquino, isa sa apat na senador na komontra sa TRAIN Law, mali-mali ang mga impormasyong ibinibigay ng mga economic manager kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hindi po totooong walang pagkukunan ng pondo ang gobyerno para sa libreng kolehiyo at ibang serbisyo kung ititigil ang TRAIN Law,” sabi ni Bam.
“Mali ang ibinibigay na payo ng economic managers ng gobyerno kay Pangulong Duterte,” dagdag nito.
Sa katunayan, nitong taong 2017, sinabi ni Bam na naglaan ng pondo ang Senado para sa unang taon ng implementasyon ng free college law para sa 2018, bago pa man maipasa ang TRAIN Law.
Aniya, tila nililihis lamang ng mga economic manager ang pondo ng batas upang mapakinabangan ito ng ibang tao.