Libreng matrikula

Break a leg by Benjie Alejandro

Libre ang tuition, ‘pag ‘di nagplano, libre rin ang pagsisisi.

Ilang araw matapos magbalik eskuwela ang mga bata para sa school year 2018-2019, idineklara na ng Philippine Atmos­pheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa ang panahon ng tag-ulan.

Malaking hamon na naman ito sa mga magulang at mga mag-aaral na kailangang gumising nang maaga para makapaghanda.
Si nanay kahit pupungas-pungas pa, agad aalamin kung may kanselasyon ng pasok sa eskuwela, mahalaga ito lalo na kung umulan sa magdamag.

***

Sakripisyo talaga ang magpaaral ng mga anak. Maliban sa paggising nang maaga, dapat tutok din na nagagampanan ng mga bata ang kanilang obligasyon na maganda ang grado, higit lalo sa lahat mapanatili ang ‘academic stan­ding’ para pagdating sa kolehiyo ay maging iskolar ng bayan.

Dahil sa hamong ito, ipinatupad ng gobyerno ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law para matustusan ang mga state universities and colleges (SUC) sa libreng edukasyon sa kolehiyo ng mga bata.

***

Kapag libre, marami tayong kababayan ang hindi papahuli. Dagsa at nag-aagawan.

Pero kung ang nakasalalay ay kinabukasan ng ating mga anak, preno muna. Sagl­it lang at mag-isip muna.

Maganda ang layu­ning libre ang edukasyon sa mga SUC (state universities and colleges) at LUC (local universities and colleges).

Ang problema, mukhang kulang sa impormasyon ang maraming magulang tungkol sa libreng edukasyon.

Maraming magulang ang umaasa sa libreng edukasyon pero hindi naman napag-aralan ang mga ‘requirement’. Mga ‘requirement?’ Opo.

Hindi makukuha ang libreng edukasyon dahil gusto lang.

Halimbawa, titingnan pa ang kabuhayan at laki ng kinikita ng pamilya. Ang bawat SUC at LUC ay may mga ‘requirement’.

Dapat ang ‘average grade’ ng bata ay ‘88’.

Bawat institusyon, may entrance examination, sigurado bang papasa si Utoy o Ineng? ‘Pag hindi, may mali­lipatan ba agad? Ang hirap sa ibang magulang, hanggang ngayon hindi pa naghahanap ng ‘private school’ bilang alternatibo sa mga SUC at LUC.

Nauubos na ang mga ‘slot’ sa mga pribadong paaralan. Delikado na walang malipatan ang anak kung sakaling hindi pumasa sa ‘requirement’ ng SUC at LUC.

Dapat lang mag-entrance exam at kumuha pa rin ng slot sa mga private school na ‘kalidad’ ang edukasyon subalit hindi mahal—ang STI, isang halimbawa. Kung hindi man pumasa sa SUC at LUC, may maganda pa ring kapalit.

Mahalaga na nagtapos ang ating mga anak sa pribado man o mga SUC at LUC. Edukasyon para sa ating mga anak, una sa lahat.