Summer vacation na naman kaya muling inilunsad ng Antipolo City LGU, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang Operation Tuli noong buwan ng Abril at Mayo para sa mga batang lalaki na may edad 10 taon pataas.
Sa pangunguna ng City Health Office (CHO) at sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Cong. Chiqui Roa-Puno, libreng natulian ang halos 5,000 lalaking kabataan sa mga health center sa barangay. Mayroong 22,000 nang mga kalalakihan ang nabigyan ng libreng tuli simula 2014.
“Ito po ay taun-taon na natin ginagawa, at taun-taon din pong matagumpay ang ating programa. Maraming salamat po sa mga magulang na nagtitiwala at nagdadala ng kanilang mga anak upang mapatulian. Ganun din po sa mga ibang ahensya at tanggapan, mga doktor, nurse at health worker na laging handang makipagtulungan sa Pamalaang Lungsod sa pagbibigay ng mga libreng serbisyo sa ating mga kababayan,” sabi ni Mayor Ynares.
Pagkatapos tulian ang mga bata ay binibigyan din sila ng mga libreng gamot at gamit para sa kanilang home medication. Ayon sa CHO, maha-laga na sundin ng mga magulang at pasyente ang mga instructions sa paglilinis ng sugat at pag-inom ng gamot para iwas-impeksyon at komplikasyon.
Isinagawa ang pagtutuli sa mga health center at eskwelahan. May mga 9 na taong gulang na mga bata rin ang natulian na may permiso ng mga magulang.