Hassle ang handog na libreng sakay sa mga kababaihan ngayong International Women’s Day matapos na dalawang beses tumirik ang isang tren ng Metro Railway Transit Line 3 (MRT-3) kung saan nasa 250 pasahero ang pinababa kahapon.
Ayon sa abiso ng MRT-3, isang tren mula sa southbound ng Buendia Station ang nakaranas ng electrical failure bandang alas-12:52 nang tanghali at sa hindi inaasahang aberya ay nasa 250 pasahero ng tren ang pinababa upang palitan ang nagkaproblemang tren.
Samantala, nagkaroon din ng technical problem ang nasirang tren sa panimulang biyahe nito bandang alas-sais nang umaga sa North Avenue Station kaya hindi muna pinasakay ang mga pasahero.
Pansamantalang itinigil ang operasyon ng MRT-3 dahil sa technical problem na nakita sa Santolan Station kung saan mahabang pila naman ang nakita sa labas ng istasyon ng MRT sa EDSA.
Inabot ng alas-siyete nang umaga ang mahabang pila na karamihan sa mga pasahero ay kababaihan na nag-avail ng libreng sakay.