Bumili ng dalawang bagong bus si Manila Ma­yor Joseph Estrada para mabigyan ng libreng sakay ang mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Ang naturang mga bus ay nagkakahalaga ng ng P6.6 milyon bawat isa.

“Gustong kong maging maginhawa ang biyahe ng ating mga mahal na mag-aaral, at sa free bus service na ito, makakatipid pa sila sa pamasahe. Walang bayad,” ayon sa alkalde.

“Maliit na regalo lang ito mula sa aking administrasyon upang mahimok pa ang ating mga kabataan na mag-aral nang mabuti at maging res­ponsableng mamamayan balang araw,” aniya pa.

Sa ginanap na turnover ceremony, sumakay si Estrada sa isa sa mga bus mula city hall hanggang PLM campus sa Intramuros upang personal na ihatid ang bus sa mga mag-aaral ng PLM.

Ang mga naturang bagong bus ay gagamitin upang ihatid-sundo ang mga estudyante mula sa mga pick-up points nito hanggang eskwela­han at pabalik.

Ayon kay PLM President Dr. Maria Leonora De Jesus, ito ang unang pagkakataon na binigyan ng libreng-sakay ng pamahalaang lungsod ang mga mag-aaral ng PLM.