Libreng Wi-Fi ipakakalat sa bansa bago matapos ang 2020

Nakatutok ang pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at United Nations Development Prog­ram (UNDP) para lagyan ng mahigit 10,000 libreng Wi-Fi hotspot ang bansa bago matapos ang 2020.

Una nang nagkabit ng 69 free Wi-Fi site sa ilang lugar sa Albay, Isabela, Palawan, Lanao del Sur at Davao City.

Ayon kay UNDP Phi­lippine Country Office Resident Representative Titograd Mitra, pinaghahandaan na nila ang mga lugar na pagkakabitan ng mga Wi-Fi site na kailangang malagyan nga­yong taon.

Sinabi naman ni DICT Undersecretary Eliseo Rio Jr. na mayroon ng 3,500 Wi-Fi facilities ang aktibo sa ilang bahagi ng bansa sa ilalim ng kanilang Free Wi-Fi for All program at target pa ang dagdag na 3,000 site para magkaroon ng internet access ngayong Hunyo.

Aabot sa higit na 40 megabits ang makukuha at maaari nang ma-enjoy ang libreng internet. (Vick Aquino)