Lider ng criminal gang patay sa engkuwentro

Patay ang lider ng Bautista Criminal Group na responsable sa mga nakawan, carnapping at pagtutulak ng iligal na droga sa lalawigan ng Cavite sa isinagawang buy-bust operation sa Rosario, Cavite.

Kinilala ni PMaj. Joewi Bantoto Lucas, hepe Rosario Police Station ang napatay na suspek na si Macris Bautista, 37, ng Brgy. Ligtong I, Rosario, Cavite , nasa watch list ng pulisya at crime group.

Sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Director Col. Marlon Santos, alas- 9:45 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente sa Brgy. Tejeros Convention ng naturang bayan kung saan nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba.

Isang pulis ang tumayong scorer at nakipag-deal sa suspek. Nang maiabot ang shabu, ibinaba nito ang senyales upang dakmain ang suspek subalit manlaban Ito at tumakbo patakas habang pinagbabaril ang pulisya.

Dito na nauwi sa habulan at engkuwentro hanggang sa bumulagta ang suspek.

Narekober sa suspek ang may 10 plastic sachet na naglalaman ng mga shabu na aabot sa 4.70 gramo na may katumbas na halagang P35,000, baril na ginamit, mga drug paraphernalia at drug money. (Gene Adsuara)