Lider ng drug syndicate, 2 pa patay sa Bulacan

Bangkay na tinanghal ang umano’y lider ng isang big time drug syndicate sa Plaridel, Bulacan at napatay din ang dalawang miyembro nito makaraang makipagbarilan sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng ­pulisya ang sinasabing lider ng sindikato na si Joseph de Guzman habang nakilala pa lamang sa mga alyas na ‘Edison’ at ‘Gerald’ ang dalawa pang nasawi sa buy-bust na nauwi sa shoot-out dakong alas-11:00 ng gabi sa Brgy. Banga I, Plaridel.

Sakay ng isang Ford Ranger ang mga suspek nang makipag-transaksyon sa isang lugar sa Brgy. Banga I, malapit sa isang mall pero nakahalata umano ang mga ito kaya pinaputukan ang nagpanggap na buyer ng droga na humantong sa pakikipagbarilan umano ng mga ito sa ­pinagsanib na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group at Philippine Drug Enforcement Agency.

Nasamsam din sa ka­nila ang may kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.8 milyon, isang Ingram machine pistol, dalawang ­revolver na caliber .45 at .38 at mga bala.

May isang buwan din umanong isinailalim sa surveillance ­operation ang naturang grupo na nagsasagawa ng illegal drug trade sa Bulacan at Caloocan City.