Lider ng notoryus na ‘gun for hire’ patay sa engkwentro

Pilay na kung ­hindi man lansag ang kilabot na ‘Gun ­for-hire-Group’ nang mapatay ang uma­no’y lider at isang mi­yembro nito nang maka-engkwentro ang mga ele­mento ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District (QCPD) sa nasabing lungsod, kamakalawa ng gabi.

Sa report kay QCPD Director Guillermo Lorenzo Eleazar, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakilala ang nasawing lider umano mula sa driver’s license nito na si Glenn Ebio y Pergrino, 31, ng 4262 Zone 4, Sto. Domingo, Calabanga, Camarines Sur.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa sa mga kasama nito na nakasuot lamang ng boxer shorts.

Sa imbestigasyon ni PO3 Elario Wanawan, nakaengkwentro ng mga suspek ang tropa ng Anti-Carnapping ng QCPD dakong alas-11:40 ng gabi sa tabi ng Quezon City Post Office.

May Oplan Sita ang mga elemento ng Anti-Carnapping Unit sa kahabaan ng NIA Road, nang makatanggap ng impormasyon sa National Capital Region – Philippine National Police (NCR-PNP) kaugnay sa mga suspek. Dito naispatan ang mga suspek na sakay ng motorsiklo pero walang helmet. Tinangkang parahin ng mga awtoridad ang mga suspek, pero humarurot ang mga ito patakas kaya nagkahabulan.

Nagpaputok ang back rider kaya’t gumanti ang mga awtoridad na naging sanhi para tumimbuwang ang dalawa.

Narekober kay Ebio ang dalawang plastic sachet ng shabu, at P500 habang isang plastic sachet ng shabu ang nakuha sa kasamahan nito. Nakuha rin ang dalawang kalibre .45 baril, mga bala at motorsiklo na kanilang gamit sa operasyon.