Inihahanda ng Bureau of Immigration (BI) ang deportasyon ng isang most wanted na pugante ng Japan na inaakusahang lider ng isang sindikato sa naturang bansa.
Ang 59-anyos na si Misao Koyama, na kilala rin bilang Misao Kaminsukaso, ay hinuli noong umaga ng Disyembre 19 sa Gil Puyat, Manila ng pinagsanib na puwersa ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI at Tokyo Interpol.
Si Koyama ay pauuwiin sa Japan kung saan nahaharap siya sa umano’y kasong pagpalsipika ng mga pribadong dokumento upang ibenta ang lupain ng ibang tao nang walang pahintulot.
Nabatid sa ulat ni BI FSU Chief Bobby Raquepo, si Koyama ang umano’y lider ng eight-man fraud ring na inaakusahan ng pagbebenta ng mga ari-arian ng iba’t ibang mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng huwad na kasunduan sa lupa.
Sila ay nakapanloko na ng ‘bilyon-bilyong yen’ mula sa kanilang mga biktima sa Japan.
“We are closely coordinating with other law enforcement agencies and foreign counterparts. Do not use the Philippines to evade prosecution. You cannot escape the long arm of the law,” babala pa ni Morente sa mga dayuhan.
Si Koyama ay pansamantalang ikinulong sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang kanyang deportasyon. (Mina Aquino)