Lifesaver ‘paktay’ kina Des, Majoy, F2

Lifesaver ‘paktay’ kina Des, Majoy, F2

Nagdeliber sina Desiree Wynea ‘Des’ Cheng at Mary Joy ‘Majoy’ Baron upang kolektahin ng F2 Logistics ang 15-25, 25-16, 25-13, 25-14 panalo kontra Generika-Ayala sa ikalawang pukpukan ng 7th Philippine SuperLiga Invitational Conference 2019 eliminations Martes ng gabi sa Sta. Rosa City Multi-Purpose Sports Center sa Laguna.

Natisod sa unang set pero bumangon agad ang Cargo Movers upang sikwatin ang tatlong frame sa bagsik nina Abigail ‘Aby’ Maraño at Baron.

Kumalembang si Cheng ng 8 attacks at 3 service aces, pang-ibabaw sa 19 excellent digs.

“Masyado kaming nag-relax sa first set tapos parang naging complacent,” pag-amin ni Cheng.

Nakaagapay ni Cheng sina Baron, Kim Kiana Dy, Maraño at Kim Fajardo upang siluhin ang pangalawang sunod na panalo at puwestuhan ang second spot sa Pool B sa 2-1.

Laglag ang Lifesavers sa 1-2 karta para sa tersera.

Sa likod ng 14 excellent sets at walong markers ni do-it-all setter Alohi Robins-Hardy at 17 digs at walong excellent sets ni Jheck Dionela, winalis ng Cignal ang Sta. Lucia, 25-18, 25-23, 25-14, at ma-sweep ang Pool A (3-0), at pinababa ang Lady Realtors sa 1-2 para sa triple-tie sa second. (Elech Dawa)