Ipinahiwatig kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ll na hindi niya bibigyan ng go signal ang National Bureau of Investigation (NBI) upang isailalim sa lifestyle check ang anak at manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng pagkakadawit umano ng mga ito sa P6.4 bilyong shabu shipment noong Mayo.
Paliwanag ni Aguirre, wala naman siyang natatanggap na pormal na kahilingan mula sa Senado upang i-lifestyle check sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Manases Carpio.
Aniya, kailangan muna niyang matukoy kung may basehan ang rekomendasyon ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon bago niya atasan ang NBI na gawin ito.
“I will determine the basis for such order. Besides, the report is only a draft,” dagdag pa ng Kalihim.
Sa draft committee report, nais ni Gordon na isailalim sa lifestyle check ang magbayaw upang matukoy kung ginamit nila ang kanilang relasyon sa Pangulo upang umabuso at magpayaman.
Giit ng Kalihim, malinaw din naman aniyang nakasaad sa draft report ng komite na wala itong nakitang ebidensya na mag-uugnay sa magbayaw sa pagkakapuslit sa bansa ng P6.4 bilyong shabu shipment at iba pang iligal na kargamento.