Dapat gawing standard operating procedure o SOP na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal o kawani ng gobyerno na masasangkot sa katiwalian.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng ulat na iniutos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa lifestyle check ang sinibak nitong chief of police ng Bacolod City dahil sa isyu ng iligal na droga.

Sinabi ni Panelo na mas dapat masiyasat sa pamamagitan ng lifestyle check ang mga opisyal na idinadawit sa mga irregularidad para makita kung angkop ang estilo ng pamumuhay nito sa suweldong tinatanggap sa gobyerno.

Pero hindi makumpirma ng kalihim kung iniutos ng Pangulo ang pag-lifestyle check kay P/Sr. Supt. Francis Ebreo.
“I heard that too. And I think that should be SOP eh. When you’re involved or when your name has been linked to illegal drug industry and you are a public officer, dapat talagang may lifestyle check,” ani Panelo.

Si Ebreo, kasama ang apat pang police official ay humarap kay Pangulong Duterte sa Palasyo kamakalawa, at sinabon ang mga ito dahil sa umano’y pagi­ging pabaya o pagbubulag-bulagan sa sitwasyon ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan. ()