Lifestyle check sa mga sugarol na pulis

pnp

Isinailalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa lifestyle check ang naarestong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na aktong nagsusugal sa loob ng isang casino sa Parañaque City noong Martes ng gabi.

Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, layunin ng gagawing imbestigasyon na matukoy ang klase ng pamumuhay ni Supt. Adrian Antonio na nakatalaga sa Office of the Directorate for Operations sa Camp Crame bilang administrative officer.

Hihimayin ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Supt. Antonio para makita ang income nito, at kung ano-ano ang mga pag-aari nito.

Aniya, kung anuman ang magiging resulta sa lifestyle check ay siyang gagamitin para sa pagsasampa ng kaso laban kay Antonio.

Pinaalalahanan naman ng hepe ng NCRPO ang lahat ng kanilang personnel na mahigpit ang kanilang polisiya na bawal ang mga pulis sa loob ng mga pasugalan at casino.

Magugunitang naaresto si Supt. Antonio sa loob ng City of Dreams Resort and Casino na matatagpuan sa Barangay Tambo, Parañaque City noong Martes ng gabi na kung saan naaktuhang nagsusugal ito ng baccarat.