Makalipas ang bangungot na 0-of-3 Day 1 action nu’ng Sabado, pipilitin ng dalawang weightlifters na ibawi ang Pilipinas sa pangalawang araw ng mga kumpetisyon, Linggo, sa 31st Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Determinado sina Hidilyn Diaz at Nestor Colonia na tapusin ang 20-year medal drought ng Pinoy athletes, hindi man ang may 92 taong pagkabokya sa gold sa quadrennial sportsfest o sapul nang unang sumalang si David Nepomuceno sa Paris, France noon pang 1924.
Makikipagkumpitensya si Diaz sa women’s 63-kilogram class samantalang si Nestor Colonia ay sa men’s 56kg. sa Riocentro Pavilion 2 simula sa alas-tres ng hapon isang araw matapos matagpas agad sa una pa lang nilang laban sina Ian Lariba sa table tennis women’s singles, Jessie Khing Lacuna sa swimming men’s 400-meter freestyle at Charly Suarez sa boxing men’s flyweight.
Kasama sina Diaz at Colonia sa 10 kontender pa sa delegasyon ng bansa na ang pitong iba pa’y naghihintay sa kanilang pagsalang.
Lumasap si Suarez ng 1-2 split decision loss kay Joseph Cordina ng Britain; hindi nakaariba si Lariba kay China-born Han Xing ng Congo, 7-11, 11-13, 9-11, 7-11; at pumangalawa sa kulelat sa seven-swimmer heat 2 sa 4:01.70 clockings pa-46th overall sa 50 entries si Lacuna.