Ibinabala ni House Senior Deputy Minority Leader at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na magkakaroon ng bagong drug market kapag inaprubahan ang panukalang batas na gawing ligal ang medical marijuana.

Kapag tuluyang nakalusot ang pagsasabatas ng medical marijuana ay susunod na rin umano dito ang ‘recreational use’ ng marijuana.

“There’s no question medical marijuana will serve as the gateway for the widespread consumption of the mind-altering drug for fun and entertainment,” pahayag ni Atienza.

Matatandaan na ang medical marijuana bill ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara noong Enero 29.

“If we create demand through legalization, then supply will surely come in. So we will in effect be crea­ting a whole new drug market where there is absolutely none now for medical marijuana,” ayon kay Atienza.

Binanggit ng kongresista bilang halimbawa ang nangyari sa Canada na kamakailan lamang ay ginawang ligal ang marijuana para sa ‘recreational use’.

Sa unang dalawang linggo pa lamang aniya nang maging legal ang operasyon ng mga tindahan ng cannabis ay tinatayang $43 milyon (Canadian dollars) o katumbas ng P1.7 bil­yong halaga ng marijuana ang naibenta.