julius-segoviaHindi nawawala ang mga pailaw sa bahay ng pamilyang Pilipino tuwing magpa-­Pasko. Siguradong namumutiktik na naman sa nagkikislapang Christmas lights ang paligid ng ­inyong compound. Pero teka muna, ligtas ba ang mga ikinabit mong pailaw?

Taon-taon na lang, may mga nahuhuling nagbebenta ng substandard Christmas lights – mga pailaw na hindi dumaan sa wasto at tamang pagsusuri ng Department of Trade and Industry (DTI). Ibig sabihin, delikado ito at hindi ligtas gamitin.

Alam kong budget ang numero unong konsiderasyon natin sa pagbili ng mga pamaskong dekorasyon. Pero huwag naman nating ipahamak ang sarili nating mga buhay sa mura pero depektibong Christmas lights. Madalas itong maging mitsa ng trahedya gaya ng sunog.

Kaya kahit parang sirang plaka na, hindi pa rin nakalilimot sa pagbibigay-abiso ang DTI. Dapat daw maging wais at mapanuring mamimi­li. Narito ang ilang tips sa pagbili ng Christmas lights:Hanapin ang ICC (import commodity clearance) sticker – pruweba na pasado ito sa safety standards ng DTI. Hindi ito dapat mada­ling matanggal. Kapag agad naalis ang sticker, magduda na.

Maghinala rin kung masyadong mura ang presyo. Madalas, mga depektibong produkto lang ang naibebenta sa abot-kayang halaga.

Tiyaking makapal ang wire o alambre ng Christmas lights. Hindi ito dapat madaling maputol. Hayaang naka-on nang 15 minutes at suriin kung may natutu­naw o umuusok na wire. Baka pagmulan ito ng sunog kapag agad napapatid ang wire.
Siguruhin ding hindi nayuyupi ang plug.
I-check din ang bawat bulb ng Christmas lights. Palitan ang mga pundidong bulb ng kaparehas na volts at wattage na bombilya.

Huwag mag-overload ng mga nakasaksak na Christmas lights sa wall socket at extension cords.

Importante ring bumili ng mga pailaw sa mga rehistradong tindahan. Humingi ng resi­bo para maibalik ang produkto sakaling depek­tibo ito.

Ang sa akin lang, gawin nating ‘merry’ ang Pasko sa pamamagitan ng ligtas at wais na pagdiriwang nito!