Ligtas maligo sa dagat, pool — DOH

Hindi ipinagbabawal ng Department of Health (DOH) ang paliligo sa swimming pool at ­dagat ngayong summer season.

Nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na ligtas ang paliligo sa dagat at swimming pool ngayong panahon na ng tag-init, at kahit unti-unti nang lumalaganap sa bansa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa kalihim, maalat ang tubig-dagat at hindi maaaring mabuhay dito ang virus, lalo na kung nabilad ito sa init ng araw.

Habang ang swimming pool naman ay ligtas ring paliguan ang tubig kung ito’y nilagyan at mayaman sa chlorine.

Gayunman, pinayuhan ni Duque ang publiko na kung makikitang kulay berde at malabo ang tubig sa swimming pool ay mas mabuting huwag na lamang munang mag-swimming dahil tiyak na marumi ito at maaaring magdulot lamang ng karamdaman.

“Basta’t mainit ang panahon, okey naman ang dagat, salty naman ‘yan, so hindi mabubuhay diyan ang COVID-19,” dagdag pa ni Duque. (Juliet de ­Loza-Cudia)