Dahil sa mga travel advisory o babala ng ilang bansa sa kanilang mga kababayan na magtutungo sa Pilipinas ngayong panahon ng bakasyon, hindi maiwasan ng ilang dayuhang turista at maging ng mga balikbayang Pinoy na magtanong ligtas pa bang mamasyal sa Pilipinas?
Oo at siyempre ang dapat nating isagot.
Aba’y napakaramang isla at magagandang lugar sa bansa natin na maaaring puntahan na malayo sa banta na baka makidnap ka ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Matapos kasing magbigay ng babala ang US sa kanilang mga kababayan na mag-ingat sa pamamasyal sa Bohol dahil sa banta ng kidnaping ng mga terorista, aba’y mantakin n’yo na nagkatotoo.
Mabuti na lang at naging alerto ang ating mga kababayan sa Bohol at mabilis nilang naisuplong ang kahina-hinalang mga tao na nasa kanilang lugar kaya nakakilos kaagad ang ating militar at pulisya.
Dahil sa mabilis na pagkilos, nadiskaril ang island hopping ng mga bandido sa Bohol at hindi rin sila nakapag-shopping ng foreigners na hinihinalang planong dukutin ng mga ito.
Pero mula sa Bohol, may kumalat pang balita na may armadong mga lalaki raw na namataan sa lalawigan ng Cebu pero lumabas naman na hindi totoo.
Dahil sa pangambang ito, sinasabing may 400 Japanese tourists ang nagkansela ng kanilang biyahe sa Cebu dahil sa hindi magandang balitang lumabas tungkol sa isyu ng seguridad.
Gaya ng Bohol at Cebu, puntahan din ng mga dayuhang turista ang Palawan, na ngayon naman ay pakay ng travel advisory ng US para sa kanilang mga kababayan.
Saad sa abiso ng US Embassy nila sa Maynila, dapat na mag-ingat ang kanilang mga kababayan na pupunta sa Palawan dahil din sa posibleng banta ng pagdukot ng mga armadong grupo gaya ng abiso nila noon sa Bohol.
Ang tanong, siniseryoso kaya ng pamahalaan ang babalang ito ng US? Sa Pilipinas kaya galing ang impormasyon ng US o sa sarili nilang intelligence source?
Kung pagbabatayan ang nangyari sa Bohol, dapat sigurong hindi natin balewalain ang advisory ng US at kumilos din kaagad upang madiskaril din ang kanilang plano gaya ng nangyari sa Bohol.
Pero kung may pagdududa ang mga dayuhang turista sa kanilang kaligtasan sa Bohol, Cebu o Palawan, aba’y napakarami pang lalawigan sa Pilipinas na puwede nilang puntahan at pasyalan para mag-beach gaya ng Pangasinan, Zambales, Aklan, Masbate, Bataan, Quezon, Romblon at marami pang iba.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)