Ligtas na balik eskwela tiniyak ni Duque

Ligtas umano ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 basta’t oobserbahan lang ang minimum health standard.

Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ilang oras matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagan ang pagbabalik eskwela hanggang wala pang gamot laban sa COVID-19.

Nauna nang nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque ang naging pahayag ng Pangulo hinggil sa balik eskwela.

“Tuloy ang paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24. Pero magbubukas lamang ng face-to-face kung meron na tayong new normal. Ang new normal ay kung wala ng community quarantine na umiiral. Kung meron pang community quarantine maski modified ECQ hindi itutuloy ang klase. Pero hindi ibig sabihin wala ng eskuwelahan. Ang DepEd ay magpapatupad ng “blended learning”. Gagamitin natin ang computer, tv, at community radio stations dahil kailangan magpatuloy ang pag-aaral,” base sa inilabas na pahayag ni Roque.

“Sa ngayon po tingin namin ay ligtas naman po kung bubuksan natin ang klase by August 24. Kinakailangan po rito siguraduhin lamang na ang lahat ng ating minimum standard for health ay nakatalaga,” pahayag naman ni Duque sa pagdinig ng Senate committee on health.

Ilan sa mga hakbang na dapat matiyak ang basic health standard ng mga eskuwelahan ay ang physical/social distancing, madalas na paghugas ng kamay at disinfection sa mga silid aralan.

“Marami po tayong mga measures na katulad ng fever scanning or thermal scanning, pwedeng ma-adopt po ito ng bawat paaralan para titignan kung sino sa mga bata ang mga may sakit,” sabi ni Duque.

Kumpiyansa naman ang kalihim na ginagagawa ng DepEd ang lahat ng health measure para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, mga guro at iba pang school personnel.

“Tingin ko magiging ligtas naman po ang pagbubukas ng atin pong mga paaralan,” sambit nito. (Dindo Matining)