Tiyak akong namumutiktik na naman sa pailaw ang mga tahanan ng pamilyang Pilipino. Para kasing kulang ang pagdi­riwang ng Pasko kung walang Christmas lights.

Pero teka muna, ligtas ba ang mga ikinabit mong pailaw?

Taon-taon na lang, may mga nahuhuling nagbebenta ng substandard Christmas lights – mga pailaw na hindi dumaan sa wasto at tamang pagsusuri ng Department of Trade and Industry (DTI). Ibig sabihin, delikado ito at hindi ligtas gamitin.

Alam kong budget ang numero unong konsideras­yon natin sa pagbili ng mga pamaskong dekoras­yon. Dahil kapos sa pera, nakukuntento na lang tayo sa mga murang pailaw.

Pero huwag naman nating ipahamak ang sarili nating mga buhay sa mura pero depektibong Christmas lights. Madalas itong maging mitsa ng trahedya gaya ng sunog.

Kaya kahit paulit-ulit, hindi pa rin nagsasawa sa pagbibigay ng abiso ang DTI. Dapat daw maging wais at mapanuring mamimili. Narito ang ilang tips sa pagbili ng Christmas lights:

• Hanapin ang ICC (import commodity clea­rance) sticker – pruweba na pasado ito sa safety standards ng DTI. Hindi ito dapat madaling matanggal. Kapag agad naalis ang sticker, magduda na.

• Maghinala rin kung masyadong mura ang p­resyo. Madalas, mga depektibong produkto lang ang naibebenta sa abot-kayang halaga.

• Tiyaking makapal ang wire o alambre ng Christmas lights. Hindi ito dapat madaling maputol. Hayaang naka-on ng 15 minutes at suriin kung may natutunaw o umuusok na wire. Baka pagmulan ito ng sunog kapag agad napapatid ang wire.

• Siguruhin ding hindi nayuyupi ang plug.

Bumili ng mga pailaw sa mga rehistradong tindahan. Humingi ng resibo para maibalik ang produkto sakaling depektibo ito.

Ang sa akin lang, ligtas na mga pailaw ang bilhin para sure na ‘merry’ ang ating Pasko!