Nakaligtas man sa atake ng bubuyog ay namatay naman nang mahulog sa ilog ang isang lalaki sa Solsona, Ilocos Norte kamakalawa.

Napag-alaman na habang abala sa pagkuha ng pekkan ang biktimang si Orlando Tejada, magsasaka at residente ng Brgy. Manalpac, sa nasabing bayan kasama ang ilang kaibigan sa Mount Mabilag ay inatake ito ng mga bubuyog.

Nagtatakbo ang biktima para makaiwas sa bubuyog pero hindi nito namalayan na nasa gilid na ito ng ilog kaya tuluyang nahulog at nalunod.

Hindi naman nagawa pang maisalba ng kanyang mga kaibigan ang biktima dahil sa takot na atakihin din ng bubuyog.