Kung ano ang puno, ay siya ring bunga.
Swak na swak ang lumang kasabihang ito kay Quezon City Police Director Guillermo Eleazar at sa ama nitong si Ginoong Victor ‘Toti’ Eleazar.
Hindi ko personal na kakilala ang ama ni Director Eleazar pero kung pagbabasehan ang mga nagawa nito ayon sa kanyang mga kababayan sa Tagkawayan, Quezon ay punum-puno ito ng malasakit, isang matulungin at mapagmahal sa kapwa.
Kaya naman hindi nakapagtatakang sa kanyang pagpanaw ay pawang magagandang salita ang iyong maririnig. Salita ng panghihinayang sa maagang pagpanaw ng isang taong naghatid ng malaking kontribusyon sa kanyang bayan.
Isang araw bago ilibing ang mga labi ng ama ni Director Eleazar ay pinarangalan pa ito ng Philippine National Police (PNP) sa inauguration at blessing ng bagong Tagkawayan Municipal Police Station, isa sa pinakamalaki at pinakamagandang police station sa buong bansa, sa pamamgitan ng pagpangalan ng police station na “Victor ‘Toti’ Lagdameo Eleazar Building.”
Napag-alaman natin na ang lupang tinatayuan ng bagong presinto na inabot ng P7.5M para maitayo ay donasyon ni Ginoong Victor ‘Toti’ Lagdameo Eleazar.
Kaya naman matindi ang pagkalungkot ni Director Guillor Eleazar na hindi na umabot ang kanyang ama sa natakdang blessing at inagurasyon ng bagong presinto. Naunang pumanaw ang kanyang mahal na ama ng ilang araw lamang bago sa takdang espesyal na okasyon.
Ngunit nabawi at natakpan ang lahat ng lungkot nang labis na kasiyahan sa araw ng inagurasyon ng presinto dahil daan-daang kaibigan at bisita ang dumalo at nagbigay pugay sa kadakilaan, pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan ng ama ni Director Guillor Eleazar.
Kaya naman pala kakaiba ang paglilingkod sa bayan na ipinapamalas nitong si Director Guillor dahil tunay na nananalaytay sa kanyang dugo ang pagseserbisyo.
Napag-alaman din natin na bukod sa mag-ama, maging ang kanilang mga ninuno ay hindi ipinagkait ang kanilang mga pag-aari para sa kapakinabangan ng mamamayan at para maitaguyod at maitatag ang bayan ng Tagkawayan.
Bukod sa angkan ng mga Eleazar, ang pamilya ng ina ni Ginoong Victor ‘Toti’ Lagdameo Eleazar na mula sa pamilya Lagdameo ay malaki rin ang naiambag sa bayan ng Tagkawayan. Ito ay dahil sa mga donasyon na lupa at iba ibang lote ng Pamilya Lagdameo para mapatayuan ng mga pampublikong pasilidad ang bayan ng Tagkawayan.
Kasama sa mga ipinamahaging lote ng pamilya Eleazar at Lagdameo ay ang mga lupang tinitirikan ng Tagkawayan Municipal Hall at town plaza. Nag-donate rin ang dalawang angkan ng lote na pinagtayuan ng Tagkawayan public hospital, ilang public schools ng Tagkawayan, ng Tagkawayan cemetery, ng Tagkawayan church at ng Water District Reservoir.
Kaya naman napakahirap sukatin ang pambihirang pagmamalasakit na ito ng pamilya ni Director Eleazar.
Marahil walang salita na sasapat para ilarawan ang kanilang kabutihang loob at higit pa riyan, ang tunay na pagmamahal sa bayan.
Bago tayo magtapos ay ipinaaabot namin ang lubos na pakikiramay sa pamilya ni Director Eleazar dahil sa pagpanaw ng kanyang ama na si Victor ‘Toti’ Lagdameo Eleazar.