Lilipatan ni LeBron, inaabangan ng lahat

Coming soon na ang Decision III ni LeBron James, siguradong blockbuster na naman anuman ang kanyang gagawin.

Isinulong na raw niya ang kanyang first move, ayon sa ulat ng The Associated Press ay nagpasabi na si LeBron sa Cleveland Cavaliers na bibitaw siya sa $35.6 million contract option para sa next season.

Ibig sabihin, unres­tricted free agent na si James pagdating ng 12:00 ng July 1.

Maraming option si James, una na ay puwede siyang pumirma muli sa Cavs na maaa­ring maghatag sa kanya ng five-year $209 million contract. Puwede rin siyang pumirma sa Cleveland ng mas maigsing termino – bagay na ginawa na niya bawat taon sapul nang bumalik noong 2014 mula Miami.

Ibig sabihin ulit, natuloy na ang matagal nang haka-haka na si LeBron ang magiging hottest prize sa NBA free agency ngayong summer. Kabuntot niya sina Paul George at Chris Paul.

Pagpatak ng 12:01 ng Linggo, puwede nang makipagnegosasyon ang ibang teams sa mga free agent.

Napakalaki ng posibilidad na mananatili sa Cleveland si James, pero siguradong magkukumahog na ang ibang teams para mabingwit ang 33-anyos na four-time MVP.

Nangunguna sa pulutong ang Los Angeles Lakers.

May kakayahan ang Lakers na kumuha ng maximum-contract players, kaya nilang bumuo ng Super Team kasama si LeBron kung makukuha rin si George o kaya ay mahugot sa trade si Kawhi Leo­nard mula San Antonio Spurs.

Oras na lang ang binibilang, magkakaalaman na. (VE)